Sa siyam na buwan na ako’y ibinuo’t dinala
Hayaang suklian ka ng walang hanggang aruga
Sa mga lamping ibinalot upang ginaw ay mawala
Hayaang yakapin ka na walang pagbabahala
Sa mga kamay na gumabay sa aking paglalakbay
Hayaang ako naman ang magbigay at umakay
Sa mga araw na itinustos upang ako’y bantayan
Hayaang sa mga araw na daraan ikaw ay alagaan.
Sa mga gabing ipinuyat upang ako’y makatulog
Hayaang ika’y tabiha’t himbing ang idudulog.
Sa mga kaalamang iyong itinuro’t isinalin
Hayaang pagyamanin upang ginhawa’y maihain
Sa mga mata mong nagbigay liwanag sa dilim
Hayaang buhayin ko ang mga pag-asang malalim.
Sa mga halik mong puno ng sarap at tamis
Hayaang balikan ng kaugaliang kanais-nais.
Sa puso mong walang kondisyon kung magmahal
Hayaang tumbasan ng mga kabutihang asal.
Sa araw na ito na ikaw ay hinugis at inilikha
Hayaang sa Panginoo’y magpasalamat para sa isang biyaya.
Sa araw mong ito na ngayon ay itinakda
Hayaang batiin ka ng Maligayang Kaarawan Ina.
Sa kaarawan mong ito na espesyal talaga
Hayaang masabi kong Mahal na Mahal kita.